Pumanaw na ang tindero ng pares-mami na hinoldap at binaril noong nakaraang linggo sa Maynila, ayon sa kaniyang kapatid.

Kinumpirma ni Sydney Bautista kay Isa AvendaƱo-Umali ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, na namatay na ang kaniyang kapatid na si Samson Bautista matapos nitong sumailalim sa isang maselang operasyon sa Philippine General Hospital.

Binaril sa leeg si Bautista ng suspek na si Alexander Ogdamina nang hindi ito pumayag na ibigay ang kaniyang bag na naglalaman daw ng pinaghirapan niyang pera noong nakaraang linggo.

Nang maaresto ang suspek noong nakaraang Miyerkules, inamin nito na gumagamit siya ng iligal na droga.

Tila sinisi pa ni Ogdamina ang biktima nang sabihin nito na hindi sana niya binaril si Bautista kung ibinigay lang ang kaniyang bag.

Naiuwi na ang mga labi ni Bautista sa Tiaong, Quezon.

Naulila ni Bautista ang tatlong anak at kaniyang asawa.--FRJ, GMA News