Kulungan ang bagsak ng dalawang lalaking snatcher matapos habulin ng biktima ang kanilang motorsiklo hanggang sa mahuli sila sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita," makikita sa CCTV na naglalakad ang lalaking biktima sa Dagonoy Street bandang 9 p.m. nitong Miyerkoles nang dumaan ang riding-in-tandem at hablutin ang kaniyang cellphone.

Pero sa halip na tumigil, mabilis na tumakbo ang biktima at hinabol ang mga suspek hanggang sa makarating sila sa Taft Avenue.

Napagitnaan ng dalawang kotse ang motorsiklo kaya tumumba ang mga suspek at inabutan sila ng biktima.

Agad na tumakbo ang rider samantalang pinagsusuntok ng angkas na suspek ang biktima.

"Hinabol ko po sila pagkatapos nu'n pero tumakbo na po siya papunta doon sa may La Salle. Tapos 'yung isa niya namang kasama nahuli po siya doon," anang biktima.

Sa kabutihang palad, walang patalim o armas ang mga suspek.

"Noong time po na 'yun hindi ko siya naiisip eh. Tapos noong sinusuntok na po nila ako naisip ko na 'Oo nga delikado pala.' Pero buti na lang wala," saad ng biktima.

Nagpasalamat din ang biktima na may ibang tao sa lugar na tumulong sa kaniya sa paghabol sa mga salarin.

Kinilala ang mga suspek na sina Walter Nablo at Kirk Rommel Castro, parehong 20-anyos, na hindi na tumanggi sa krimen.

"Pangalawa po," sagot ni Castro kung ilang beses na nilang ginawa ang pagnanakaw.

"Pangangailangan lang po. Nagkasakit lang po," sabi naman ni Nablo.

Nabawi ang cellphone ng biktima, na nagkakahalagang nasa P50,000.

Pumutok ang labi ng biktima dahil sa panununtok ng suspek.

"Hindi pa actually nagsi-sink in sa akin na nangyari siya, hindi naman ako natatakot pa. Medyo galit lang kasi nga muntik na nilang makuha 'yung phone tapos nasuntok pa ako tapos naging loose 'yung ngipin ko so ipapaayos ko pa," sabi ng biktima.

Paalala ng pulisya, peligroso ang ginawang panlalaban ng biktima.

"Delikado nga kasi talaga naman 'yung ating mga snatcher suwerte lang at ito walang weapon na ginagamit o dala silang baril at that time. 'Pag gabi na maging maingat," sabi ni Police Lieutenant Colonel Samuel Pabonita, commander, Malate Police Station. —Jamil Santos/LDF, GMA News