Isang rare giant softshell turtle ang nalambat ng isang mangingisda sa Apayao River, na kaniyang ibinigay nang buhay sa mga awtoridad. Nang suriin ang pambihirang pagong, natuklasan na mayroon itong mga itlog.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing ang nalambat na pagong ay Cantor Giant Soft turtle na isa sa pinakabihirang fresh water turtles sa buong mundo, at critically endangered na.
Sinuri ng Community Environment and Natural Resources Office (Cenro) ang kalusugan ng pagong at doon natuklasan na mayroon itong mga itlog.
Dahil dito, naniniwala ang Cenro na maaaring dumami ang pagong sa ilog kung mapapangalagaan.
Ito rin umano ang unang pagkakataon na nakapagdokumento ang DENR-Cenro-Kalanasan ng ganoong uri ng pagong.
Nanatili ang pagong sa pangangalaga ng ahensiya hanggang sa bumuti ang kalagayan bago ibabalik sa natural niyang tirahan—ang ilog.—FRJ GMA Integrated News
