Ibinahagi ni Michael Sager ang kaniyang simpleng buhay noon nang lumipat ang kaniyang pamilya sa Canada kung saan maaga rin siyang natutong maghanap-buhay. Ang lahat ng kaniyang pagsisikap, inspirasyon niya ang kaniyang pamilya.

Sa panayam ni Nelson Canlas sa ipinalabas sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, binalikan ng Kapuso actor ang sakripisyo ng kaniyang mga magulang upang mabigyan sila ng komportableng buhay.

“Hindi komportable ang buhay ‘pag lumilipat abroad. I mean, as much as we say na nasa ibang bansa kami. Just like them, and like me, we started from scratch,” saad ni Michael.

“Talagang walang-wala. So kailangan maghanap ng trabaho, gumawa ka ng community, family, and stuff like that,” dagdag niya.

Ang mga magulang daw niya ang kaniyang pangunahing inspirasyon, at inalala kung paano kumakayod sa dalawang trabaho ang kaniyang ama. Habang ang kanyang ina, may mga sideline para matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“My parents were the reason, they're my role models kung bakit ako ganito ka-determined, kung bakit I'm so hungry for goals. At the age of four, si Papa, he works two jobs, so does my mom,” sabi ni Michael.

“Until I was a teenager, they were finding so many side hustles, para lang ma-sustain ‘yung buhay, para maging komportable kami,” patuloy niya.

Dahil sa hangaring mapagaan ang pasanin ng kaniyang mga magulang, nagsimula nang magtrabaho si Michael sa murang edad. Nag-audition siya para sa maliliit na roles at nagtatrabaho bilang ice cream scooper.

“At the age of 12, I auditioned to be an extra kasi I wanted to have my own allowance na for myself so I don’t have to rely on my parents. I got my first job at 16 and I told myself ‘oh ma 'pag school ko na ako na bahala sa pamasahe ko, baon,’” kuwento ng binata.

Dahil sa sipag niya bilang ice cream scooper, nakabili si Michael ng kanyang unang sasakyan. Nagtrabaho rin siya sa isang retail store na nagbebenta ng sapatos.

“Because of that, I really worked during school and then during summer, nakapag-ipon po ako noon to buy my first car at the age of 17. And then after that, I worked in the retail store selling shoes," patuloy niya.

Bagama’t aminado siyang hindi karaniwan ang kaniyang karanasan para sa isang nasa early 20s, sinabi niyang lubos na niyang tinanggap ang landas na inilaan para sa kanya, at naniniwala siyang bahagi ito ng plano ng Diyos sa kaniya.

“Sabi ko, siguro binigay na sa akin 'to ng Lord itong mahirap na challenge na ito para mas masimulan ko na agad. The time came na nabigyan ng opportunities, nabigyan ng projects. Sabi ko, hindi ko ito sasayangin. I mean, they might say it's luck, but I really believe it's all hard work,” ayon kay Michael.

Ngayon, patuloy na umaangat ang karera ng dating “PBB Celebrity Collab 1.0” housemate sa showbiz. Isa sa kaniyang malaking tagumpay ang pagbili ng sarili niyang bahay na natirhan din ng kaniyang pamilya.

“When I got evicted from ‘Pinoy Big Brother,’ sakto, that was the day that they landed in the Philippines. I had no idea. I had no idea when they were coming. A week later, I was able to move into my house, and I'm so thankful for that,” ani Michael.

“They were able to see it. And they were able to live in it. We were able to build it together. Kumbaga, 'yung loob kasi empty ‘yun eh,” dagdag niya.

Bagama’t wala pang masyadong kasangkapan sa bahay niya noong una, inilarawan ni Michael ang kanilang unang gabi niya sa bahay na makabuluhang karanasan.

“Nakatulog kami sa sahig. Wala talaga as in walang-wala. Puno na ‘yung bahay for me kasi nandun lahat, ‘yung family ko,” pahayag niya.

Sa pagganap niya bilang Nate Lim sa “Born to Shine” series, sinabi ni Michael na makikita sa kaniyang karakter ang kaniyang personal na paglalakbay at mga sakripisyo.

Iniaalay niya ang proyekto sa kaniyang pamilya na sumuporta sa kaniya sa hirap at ginhawa habang tinutupad niya ang kaniyang mga pangarap.

“I'm thankful that you're always here for me. I love you. I'm so, so thankful na despite everything, you guys chose to support me in such a wild dream of entering showbiz,” aniya.

Makakasama ni Michael si Zephanie sa “Born to Shine” na isang Kapuso afternoon series.  Bahagi rin ng serye sina Olive May, Manilyn Reynes, Tina Paner, Smokey Manaloto, Roselle Nava, Vina Morales, at Tessie Tomas, at iba pa.

Mapapanood ang “Born to Shine” sa GMA Afternoon Prime simula sa March 23 sa ganap na 2:30 p.m. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News