Sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo ngayon, isang makina ng sasakyan ang nabuo na nilalagyan ng tubig para makatipid sa konsumo nitong diesel.
Sa ulat ng GMA show Unang Hirit nitong Huwebes, itinampok ang HHO generator na binuo ng electronics technician na si Joel Pasaraba, na ginagamitan ng tubig bilang “additive” sa diesel.
Taong 2009 pa ito nabuo ni Pasaraba, na hinihiwalay ang hydrogen at oxygen sa tubig para maging gas na ang papasok sa air intake ng makina.
Distilled water ang inilalagay sa makina na kagaya ng iniinom ng tao.
Dahil dito, nakatitipid umano siya ng 10 hanggang 20 porsyento ng diesel at nababawasan pa ang carbon-build-up ng makina.
Pagkalagay ng tubig sa HHQ generator at pinaandar na ang makina, mase-sense na ito ng sensor kaya tatakbo na ang generator.
Nang minsang magtungo umano siya sa Cagayan Valley, isang baso lang ng tubig ang ibinuhos niya sa sasakyan at umabot ito ng 600 kilometro.
Ang isang litro ng tubig, umaabot ng 14 kilometro, mula sa dating 9 hanggang 10 kilometro kada litro na hindi pa ginagamitan ng tubig.
Magwawalong taon nang ginagamit ni Pasaraba ang kaniyang sasakyan. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
