Isinalaysay ng kauna-unahang Filipino na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang naging karanasan habang nakikipaglaban sa sakit na kumitil na ng libo-libong buhay sa buong mundo.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles, sinabi ni Carlo Llanes Navarro na nagsimula siyang makaramdam ng sintomas pitong araw pagkatapos niyang dumating sa Pilipinas galing ng Japan.

Noong March 3, nakaranas si Carlo ng ginaw at ubo. Dahil dito, nagpunta siya St. Lukes Medical Center sa Taguig City upang magpatingin.

Sa panahong iyon, may tatlo nang naiulat na nag-positibo sa virus sa bansa na mga Chinese.

Kahit na limitado lang ang pagsusuri para sa COVID-19 sa persons under investigation (PUIs) noong mga panahong iyon, pinilit niya ang ospital na isailalim siya rito.

“I insisted:  You have to test me. Kasama ko ‘yung aking anak at kasambahay. Delikado sila kung hindi ako i-tetest. So they tested me,” sabi niya.

“Noong gabing 'yun tumawag sa akin ang DOH. Doon sinabi na kailangan namin kayong [sunduin] sa RITM kasi nag-test kayo na positive,” dagdag niya.

Noong March 7, kinumpirma ng Deloitte Philippines, isang financial advisory firm sa Taguig, na isa sa kanilang empleyado ang nagpositibo sa COVID-19.

Dinala si Carlo sa RITM, na nag-iisang testing facility noon ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19.

“Ang unang naisip ko is sinabi ko doon sa doctor na nakausap ko sa DOH, ‘Kailangan niyong baguhin ang inyong policy. Kailangan niyong i-test yung mga taong may sintomas kahit walang travel history,” sabi niya.

“Sa tingin ko may community transmission na. May narinig ako na doon din daw sa Greenhills may nag-positive. Sabi ko ito na 'yun. Wala 'yung travel history,” giit niya.

Dahil sa kanyang pag-aalala, pinilit din niya ang DOH na sumailalim sa pagsusuri ang kanyang anak at kasambahay para sa COVID-19 at parehas namang nag-negatibo.

Nakasama ni Carlo sa pagamutan si Patient No. 5 na taga-Cainta, Rizal.

Ayon kay Carlo, wala raw tao sa ospital kung saan sila dinala. Pati raw ang nurse station ay bakante na. Dalawang nurse lang ang nagdala sa kanila sa negative pressure room, na nakadisenyo para hindi makalabas ang virus na mayroon sila.

Ipinaalam sa kanila ng mga nurse na bibisatahin lamang sila sa kuwarto kung kailangan na kailangan. Magsusuot pa kasi sila ng hazmats at iba pang protective equipment bago pumasok para hindi mahawaan.

“Medyo natatakot na ako at that time,” sabi ni Carlo.

Nawala man ang lagnat at ginaw ni Carlo sa pagdaan ng tatlong araw, agad naman bumalik ang kanyang lagnat na may kasama nang diarrhea.

“Medyo kinabahan ako, sabi ko mukhang nagde-deteriorate ako dito,” sabi  niya.

Kinunan ng dugo si Carlo at nakitang may mga low level na bacteria sa kanya na maaaring magsanhi ng pneumonia. Sumailalim na rin siya sa X-ray at nakita na mayroon na nga siyang pneumonia.

Binigyan siya ng chlorochome at ilang mga anti-biotics.

“Pagdating ika-walong araw, napupuno na ang RITM. Hindi talaga nila kami maaasiakaso lahat. Noong nasa RITM ako, understaff talaga sila, parang dalawa , tatlong nurses lang, isang doktor ,” sabi ni Carlo.

“Padami na kami nang padami. May narinig ako na may mga matatanda na mas kailangan 'yung room pero wala nang maibigay ang RITM,” dagdag niya.

Kaya naman humanap na ang kanyang hipag, na isa ring doctor, ng ibang ospital na tatanggap sa kaniya. Marami daw nilapitan na ospital ang kanyang hipag pero ayaw daw talagang magpapasok ng COVID-19 na pasyente.

“Kinontak namin si Dr. Solante ng San Lazaro and Dr. Solante argued my case doon sa mga ospital na kailangan niyong kunin 'to kasi yung RITM, punong-puno na,” sabi niya.

“Kailangan ma-free up ‘yung iba para doon sa more severe cases,” dagdag niya.

Pumayag ang isang pagamutan at inilipat siya doon. Ipinagpatuloy lang ni Carlo ang kanyang gamutan.

“That's when 'yung condition ko nag-improve ,” sabi niya. Nawala na ang sintomas ni Carlo sa pagdating ng ika-15 na araw.

Minabuti raw ni Carlo na lumabas na ng ospital dahil sa lumalalang sitwasyon sa ospital na wala nang mapaglagyan ng pasyente.

“Noong mga panahon na 'yun, marami na ring nangyayari doon sa mga private hospital. May mga namamatay na rin,” sabi niya.

Pinayuhan naman daw siya ni Dr. Solante na sumailalim pa rin sa quarantine sa loob ng 14 araw.

Libre ang gamutan ni Carlo sa RITM. Sa pitong araw sa pribadong ospital, umabot naman ang kanyang bayarin sa P60,000. Sinagot naman ito ng kanyang mga medical insurance, ayon sa kanya.

Pinaalalahanan ni Carlo ang publiko na huwag matakot magpatingin sa ospital at piliting sumailalim sa pagsusuri para sa COVID-19 para maumpisahan ng maaga ang pangangalaga at gamutan.

“I think it helped me kasi  Day 1 pa lang ng symptoms ko nagpapasok na agad ako sa ospital, na-test agad ako, naagapan siya, hindi na siya lumala,” sabi niya.

Para naman sa mga positibong pasyente, sinabi ni Carlo na mahalagang magkaroon ng pananampalataya para gumaling sa COVI-19.

“Sa mga COVID patients po, lakasan niyo po ang loob niyo kasi ito ay hindi death sentence,” sabi niya.

“Para po sa publiko ito pong community quarantine, na inoobserbahan natin ngayon, ay napaka-importante po para hindi kumalat ang virus sa ating bansa,” dagdag niya.

Pinasalamatan naman ni Carlo ang mga health workers na tumulong sa kanyang paggaling mula sa COVID-19. —Joviland Rita/LBG, GMA News