Patutuluyin ng Simbahang Katolika ang mga nasa-frontline ng COVID-19 response na walan ng matutuluyan.

Ito ang tiniyak Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, na siya ring Vice-President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, matapos makatanggap ng ulat na pinapaalis na sa kanilang tinutuluyan ang ilang mga medical worker dahil sa pangambang makapag-uwi ng nakakahawang coronavirus disease 2019.

Ayon kay Bishop David, nakahanda at bukas ang dormitory ng diyosesis sa mga frontliner na nangangailangan ng masisilungan.

“Our frontliners will be most welcome in dorms and bedrooms of religious and diocesan formation centers and retreat houses,” ayon sa ipinadalang mensahe ni Bishop David.

Sinabi ng obispo na magsisilbing contact person ng mga health care provider na nangangailangan ng matutuluyan si Fr. Angel Cortez, OFM ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) para sa religious at retreat houses na tutuluyan ng mga medical worker na malapit sa kanilang pinalilingkurang hospital.

Ang AMRSP ay binubuo ng 283 Religious congregations.

Nagpalabas rin ng circular ang Catholic Bishops Conference of the Philippines at hinihikayat ang may 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa na buksan ang kanilang mga parokya at pasilidad bilang pansamantalang tahanan.

Ang Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Guia sa Ermita, Manila ay magbibigay ng tutuluyan para sa mga frontliner mula sa Manila Doctors hospital.

Ayon sa pamunuan ng Ermita Shrine ; “We will accommodate 33 Medical Frontliners from Manila Doctors Hospital.”

Ang dambana ay may 17 silid para sa isang tao, isang silid na may dalawang higaan at dalawang dormitoryo para sa 15 katao.

Ang Nazarene Catholic School naman ang tumatanggap ng mga health care worker na nagsisilbi mula sa San Lazaro Hospital.

Habang ilan pang katolikong paaralan ang naging pansamantalang tahanan ng mga taong lansangan sa loob ng isang buwang pag-iral ng community quarantine.  —LBG, GMA News