Isinailalim sa lockdown ang Trabajo Public Market sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng gabi dahil sa naitalang kaso ng COVID-19.

Hindi na pinapayagang makalapit sa palengke ang sinoman nitong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan ng GMA News sa Dobol B sa News TV.

Isa ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa palengke habang isa naman ang person under investigation (PUI) at isa ang person under monitoring (PUM).

Ang kumpirmadong kaso ay isang manininda na naospital sa Philippine General Hospital. Nito lamang Sabado ng gabi lumabas ang resulta ng pagsusuri na nagsasabing positibo siya sa COVID-19.

Ang isa namang PUI ay ang batang pamangkin ng isang tindera habang residente naman ang naturang PUM, ayon kay barangay kagawad Mel Ocampo.

May harang na ang Dela Fuente Street at mula Loyola Street hanggang Vicente Cruz Street papuntang Trabajo.

 

Isinara na ng mga opisyal ng barangay ang mga kalye patungong Trabajo Public Market sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado, Marso 28, 2020, matapos makumpirma na may kaso ng COVID-19 sa palengke.  Corinne Catibayan

 

Ayon sa mga opisyal ng barangay, isinailalim sa lockdown ang palengke dakong alas-nuwebe ng gabi nitong Sabado alinsunod sa utos ng kanilang kapitan.

Hinakot na ng mga manininda ang kanilang mga gamit.

Idi-disinfect naman ang buong palengke, ayon kay Ocampo.

 

 

Wala pang impormasyon kung magbubukas ang palengke matapos ito ma-disinfect.

Umabot na sa 50 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila nitong Sabado. Anim na ang namatay at dalawa ang naka-recover. Ang mga PUI naman ay umabot sa 192 ang bilang.

Samantala, ayon sa Department of Health, may 1,075 na kaso na ng COVID-19 sa buong bansa base sa datos hanggang 4 p.m. nitong Sabado. Ang mga namatay ay 68 na habang 35 naman ang naka-recover.

BASAHINCOVID-19 Dashboard: Summary of Cases in the Philippines

—KG, GMA News