Galit ang mga lider ng mga 4Ps beneficiary nang malaman nila na ipinamigay pala sa ibang tao ng kapitan ng isang barangay sa Pasig ang mga manok na para sa kanila at pantawid gutom sana ngayong panahon ng community quarantine.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ang komosyon sa barangay hall ng Barangay Mangahan kung saan ibinagsak ang nasa 125 na kahon ng marinated chicken.

Pumunta ang mga lider ng mga benepisaryo ng 4Ps ng iba pang barangay sa naturang barangay hall nang malaman nila na dumating na doon ang mga manok.

Pero nang dumating sila sa lugar, nalaman nila na ipinamigay sa ibang mga tao ang mga manok.

Ayon sa isang lider na sumugod sa barangay, ang mga marinated chicken ay para sa mga 4Ps beneficiary ng Barangay Pinagbuhatan, Maybunga, Santolan, Sto. Tomas at Manggahan.

Pero pagdating nila sa lugar, wala na ang mga manok dahil napamigay na sa iba ni Brgy. Mangahan chairwoman Shiela Marie de Asis.

Sabi ng isang lider, mga pinakamahirap na residente dapat ang makikinabang sa mga manok na pangtawid gutom ng mga tao ngayon.

Pero tinalikuran lang umano ng kapitana ang mga tao na nais napalitan niya ang mga ipinamigay na manok.

Ipinaliwanag naman ni De Asis, na sa kaniya nakapangalan ang mga donasyong manok kaya siya na ang namili ng mga taong nangangailangan na binigyan niya ng mga manok sa Purok Napiko.

Bukod dito, nakasaad umano na Abril 2 ang expiry date ng mga manok kaya ipinamigay nila kaagad.

Pero lumitaw na may cellphone number na nakalagay sa ilalim ng pangalan ni De Asis, na siyang dapat mamahala sa pamamahagi ng mga manok.

Iginiit naman ng kapitana na in good faith ang hangarin niya na ipamigay kaagad sa mga taong nangangailangan ang mga manok .

Gayunman, hindi maipangako ng kapitana kung mapapalitan niya ang manok dahil halos kinukulang na rin umano ang suplay na ipinamamahagi nila.--FRJ, GMA News