Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang komisyuner ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na nagpahayag na dapat imbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Leni Robredo dahil sa pakikipagkompetensiya umano sa ginagawang hakbang ng pamahalaan sa pagtugon sa krisis dulot ng COVID-19.

"Anak ng... kaya nung narinig ko fire him. As of this moment he is no longer connected with the government," sabi ni Duterte sa kaniyang televised address nitong Biyernes ng gabi patungkol kay PACC Commissioner Manuelito Luna.

READ: PACC wants Robredo probed for 'competing' with gov't COVID-19 efforts

READ: PACC's Belgica washes hands off Luna's call to probe Robredo

Ayon kay Duterte, walang masama kung manghingi ng donasyon si Robredo sa pribadong sektor para tulungan ang mga nangangailangan dahil sa nararanasang krisis.

Kabilang sa mga ginagawang hakbang ni Robredo ay ang pagkakaloob ng mga masasakyan, gamit, at matutuluyan ng mga medical frontliners.

"Alam mo, meron talagang taong gago. Si Leni was calling the private sector na magtulong. Tama 'yan. Maghingi ka ng tulong sa kapwa mong tao," saad ng pangulo.

"Ngayon eto naman, may tao ako na abogado sa PACC commissioner, Manolito Luna. Gusto niya na ipaimbestiga si Leni kung bakit nagsolicit. Anak ng...," patuloy niya.

Bagaman nababatikos umano niya ang pangalawang pangulo, sinabi ni Duterte na walang kasalanan si Robredo sa pagkakataong ito.

"Sa panahon ko na i-criticize ko si Leni, ganun na lang, sometimes the language I used very... Pero itong panahon na ito na wala namang kasalanan yung Vice President. Ano mang magtulong, bakit ipambestiga mo?," puna niya.

Nagbabala rin si Duterte sa NBI na mananagot kapag inimbestigahan si Robredo tungkol sa ginagawa nitong pagkilos sa krisis dulot ng COVID-19.--FRJ, GMA News