Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay E. Rodriguez, Cubao, Quezon City nitong Miyerkules.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si Jerry Peralta y Cruz, 48-anyos, taga-Ortigas Ave., Greenhills, San Juan City.

Nangyari ang insidente bandang 1:40 p.m. nitong Miyerkoles, habang naglalakad ang biktima pa-northbound ng nasabing lugar.

Ayon sa isang tindero sa tapat ng Five Star Bus Terminal at saksi sa krimen, bigla na lang daw binaril ang biktima ng salaring sakay  ng motorsiklo. Hindi nakita ang mukha nito dahil nakasuot daw ng full protective helmet, jacket at maong pants.

Matapos ang pamamaril, bumiyahe pa-EDSA northbound ang salarin.

Nangyari ang krimen habang may umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon bunga ng banta ng COVID-19 pandemic. Dahil dito, tigil sa pagbiyahe ang mga pampublikong transportasyon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News