Nag-donate ng kaniyang plasma sa isang ospital sa Quezon City si Senador Sonny Angara matapos ang mahigit dalawang linggong pakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ang plasma ay magagamit para sa pasyenteng nakikipaglaban sa COVID-19.

"Gave my plasma and it went straight to a hospital in QC to a man on a ventilator—a severe case of COVID-19. My wonderful doctors say it could save his life as the antibodies of survivors in past viruses have done," sabi ni Angara sa Instagram post nitong Lunes.

"But right now there is just an informal network of hospitals speaking and exchanging notes as to the survivors giving their plasma," dagdag niya.

Nag-post si Angara "groufie" kasama ang ilang medical workers sa St. Luke's Medical Center habang hawak ang bag na naglalaman ng kaniyang plasma.

Nanawagan si Angara sa Department of Health at sa inter-agency task force na namamahala sa COVID-19, at sa local government units, na mag-ugnayan para palaganapin ang impormasyon sa mga COVID-19 survivor na nais tumulong sa ibang pasyente.

"I wish I could pay it back every day but the protocol is you can only give your plasma as a survivor every 14 days. Pls pass on to any survivor— they can save lives as we speak!" sabi ni Angara.

Nitong nakaraang linggo pinayagang makalabas ng ospital si Angara matapos ma-confine ng halos 10 araw, at halos 10 araw din nag-quarantine sa bahay habang hinihintay ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

Una rito, ibinahagi ni Angara ang pinagdaanan niya sa naturang sakit at mga pangamba na tumakbo sa kaniyang isip. (READ: Sen. Angara, ibinahagi ang naging laban niya sa COVID-19)

Bukod kay Angara, dinapuan din ng COVID-19 sina Sens. Juan Miguel Zubiri at Koko Pimentel.

Nitong Linggo, inanunsyo ni Zubiri na nakuha na niya ang ikalawang resulta ng COVID-19 test na negatibo ang resulta.

Sinabi ni Zubiri na magdo-donate rin siya ng kaniyang dugo para makatulong sa COVID-19 patients.

Samantala, mayroon nang tatlo pang COVID-19 survivor ang nag-donate ng plasma sa Philippine General Hospital nitong nakaraang linggo.

Ang mga COVID-19 survivor na nais mag-donate ng dugo at plasma ay maaaring makipag-ugnayan sa PGH sa pamamagitan ni Dr. Sandy Maganito sa 0917 805 3207 o UP PGH COVID-19 hotline na 155-200. --FRJ, GMA News