Patay ang magbiyenan matapos pagbabarilin sa kanilang bahay sa Barangay Commonwealth sa Quezon City gabi ng Miyerkules. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen, ilang metro lang ang layo sa isang quarantine control point.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News’ “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina Mel Banzuelo, at ang nadamay niyang biyenan na si Jelita Jaquin.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, papasok na sa kanilang bahay si Banzuelo nang makita ng kaniyang anak ang nakasunod na lalaki na nagkasa ng baril.
Sinubukang awatin ng anak ang gunman ngunit nakapasok pa rin ang salarin sa loob ng bahay at pinaputukan si Banzuelo. Tinamaan din ng bala ang kaniyang biyenan na si Jaquin.
“Noong pagtutok, hinawi noong anak niya pero tinamaan pa rin ‘yong tatay niya pero nakapasok sa bahay. Pagpasok sa bahay, sinundan siya noong suspek, pinagbabaril. Noong pagbaril sa kaniya, nandoon ‘yong biyenan niya, tinamaan din,” ani Police Senior Master Sergeant Jun Abogado.
Bukod sa gunman, pinaghahanap na rin ng pulisya ang dalawang nagsilbing lookout sa krimen.
Ayon sa saksi, malalaki ang katawan at nasa 5’7” hanggang 5’9” ang taas ng mga suspek.
Bukod sa pagtukoy sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin, iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung paano nakalusot ang mga suspek gayong may mga nagbabantay umano sa quarantine control point na ilang metro lang ang layo sa bahay ng mga biktima. --Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News
