Hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), na alisin ng gobyerno ng Oman bilang rekisito ang pagkakaroon ng negative-HIV certificate para sa mga Pinoy na pupunta sa kanilang bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng DFA na gumawa sila ng “strong representations” sa Embahada ng Oman sa Maynila upang alisin ang naturang rekisito sa paglalakbay ng mga Pinoy doon para magtrabaho.
"The Omani Embassy in Manila clarified that the HIV certificate applies only to tourists availing of the visa-free entry to Oman, and not to those who were issued work visas," ayon sa DFA.
"The Embassy added that this requirement is currently being seriously reviewed by the Omani government, and that a meeting next week is set to discuss the matter," dagdag nito.
Idinagdag ng DFA na inaasahan nila ang positibong resulta sa usapin dahil may maayos at matibay na ugnayan ng Pilipinas at Oman.
Naglabas naman ng paalala ang Emirates sa mga Pilipino hinggil sa restriksiyon sa pagpasok sa Oman, na nagsasabing kailangan muna nilang kumuha ng sertipiko ng HIV test bago bumiyahe.
“Nationals of Philippines must obtain a certificate of HIV test before departure. This does not apply to children,” saad website nito.
“Filipinos intending to travel to Oman are encouraged to directly coordinate with their airline for the latest travel requirements and guidance,” dagdag pa sa paalala.— Sundy Locus/FRJ GMA News

