Kakaiba ang paraan ng pagluluto ng tribong Agutaynen sa Palawan dahil halos lahat ng kanilang pagkain, ginagamitan nila ng sukang tuba. Kaya ang tinolang manok, may pagkakahawig ang lasa sa sinigang?
Sa nakaraang episode ng Biyahe ni Drew, sinamahan ng host na si Drew Arellano si Mary Rose “Mayang” Soriano mula sa tribong Agutaynen, na magluto ng kanilang tinolang manok na nilagyan ng sukang tuba.
Para mawala ang mga dumi na mula sa puno ng niyog, sinasala muna nang mabuti ang tuba bago gamitin. Ginagawa ring nakalalasing na inumin ang tuba.
Ayon kay Mayang, ginagamitan nila ng sukang tuba ang tinolang manok para mawala ang lansa nito, madaling lumambot, at magbigay ng aroma.
Kapag malambot na ang manok, iluluto na ito gaya ng karaniwang tinola.
Samantala, ipinatikim din kay Drew ang Kibaw, na nakukuha sa ilalim ng putikan, at ang Tamilok mula sa mga bulok ng mga puno.
Kung ang kibaw ay pinakukuluan muna bago kilawin, ang Tamilok, lilinisin lang saka diretso nang isasawsaw sa suka.
Tunghayan sa Biyahe ni Drew ang kakaibang lasa ng tinolang manok ng Agutaynen, na tila magkahalong sinigang sa asim at tinola dahil sa luya, ayon kay Drew.
Alamin din kung ano ang nangyari kay Drew nang tumagay ng tuba na ginawang alak. Panoorin ang buong kuwento sa video.—FRJ GMA News
