Arestado sa Pasay City ang isang 29-anyos na miyembro umano ng New People's Army na sangkot sa pagkamatay ng ilang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU sa Northern Samar.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ang mga tauhan ng Southern Police District Special Operations Unit ang humuli sa lalaki sa isang terminal ng bus sa Pasay City pasado 7 p.m.

Sinabi ng pulisya na miyembro ng CPP - NPA na Eastern Visayas Regional Party Committee si alyas “Belho.”

Sangkot umano ang kaniyang pangalan sa ilang pag-atake sa mga tauhan ng Philippine Army sa Northern Samar, kasama na ang pag-ambush sa mga sundalo noong Hunyo 9, 2018 sa Las Navas, Northern Samar.

Dati rin umanong miyembro ng Special Partisan Unit Special Operations Group ang lalaki, na sangkot naman sa pagkamatay ng ilang CAFGU personnel sa nasabing probinsya.

“Ito po ay sangkot po sa mga operatives laban po sa tropa ng gobyerno sa Northern Samar kabilang ‘yung pag-ambush sa Philippine Army noong Hunyo 9, 2018,” sabi ni Lieutenant Margaret Panaga, spokesperson ng SPD, na kinumpirmang Top 8 na most wanted ang lalaki sa Northern Samar.

Halos limang taong nagtago si alyas “Belho” na nahaharap sa kasong attempted murder sa Northern Samar noon pang 2021.

Namamasukan ang suspek bilang security guard sa Metro Manila at pansamantalang tumitira sa Pasig City.

Patungo umano ng Olongapo ang lalaki nang mahuli siya ng mga pulis.

“Kuhanin din po tayo ng information na siya po ay miyembro ng Special Partisan Unit na hinihinalang sangkot din sa pagpaslang sa mga cast go person. Nasa DSOU Sir upang ma-prepare ‘yung mga documentation na kailangan,” sabi pa ni Panaga.

Hindi pa nagbibigay ng panig ang akusado, na mananatili sa kustodiya ng SPD-DSOU habang hinihintay ang commitment order ng korte. —Jamil Santos/VBL GMA News