Ilang estudyante ang nakitang may hawak na mga papel na may nakasulat na pakiusap sa mga motorista na makikisakay sa Agoo, La Union. Ginagawa umano ito ng mga estudyante dahil sa nabawasan ang bus na bumibiyahe sa kanilang lugar mula nang magmahal ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing sinusulatan ng mga estudyante ang hawak nilang papel na “Pasakay po pls.” Ikawalang pagkakataon na raw nilang naranasan ang hirap na makasakay.
Ayon sa uploader ng video, dahil kakaunti ang bumibiyaheng bus, madali na ring mapuno ng mga pasahero ang mga pumapasadang bus.
May mga motorista naman daw na humihinto para isakay ang mga estudyante pagkaraan ng ilang oras.
Gayunman, nagpaalala ang pulisya sa publiko tungkol sa peligro ng hitchhiking o pagsakay sa hindi kilalang motorista.
“Mag-coordinate na lang po sila sa pinakamalapit na police station kasi mayroon namang directives ang PNP na tumulong sa pag-ferry ng mga stranded po,” payo ni Police Major Lawrence Ganuelas, public information officer ng La Union Police Provincial Office.—FRJ GMA News
