Dumagsa ang mga residente ng Sampaloc, Maynila nitong Linggo sa mga palengke matapos ang 48-hour hard lockdown, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras News Alert ng GMA News.
Sa isang eskinita sa Trabajo Market, halos walang social distancing na nangyari.
Panay naman ang abiso ng mga opisyal ng barangay na mag-social distancing.
Bawat mamimili ay hinahanapan ng quarantine pass.
Ayon sa ilang mamimili, bibili na sila ng marami para handa sila sakaling mag-hard lockdown muli.
Ang ilang residente naman ay nagsabing malaking ginhawa na nakalabas na sila ng bahay.
Isinailalim ang Sampaloc sa hard lockdown mula 8 p.m. ng Abril 23 hanggang 8 p.m. ng Abril 25.
Kabilang ang Sampaloc sa mga lugar na "challenging" sa pagpapatupad ng social distancing at enhanced community quarantine.
Nitong 5 p.m. ng Sabado, may 608 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila at 851 na suspected na kaso. Samantala, 58 naman ang nasawi at 88 ang naka-recover. —KG, GMA News
