Inatasan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Philippine National Police (PNP) na isumite sa Malacañang ang resulta ng imbestigasyon sa kontrobersiyal na birthday "party" ni National Capitol Regional Police Office Chief Police Major General Debold Sinas, na tinawag na "mañanita."

Matatandaan na dinagsa ng batikos mula sa netizens ang umano'y "mañanita" na ginawa kahit may umiiral na enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Sa televised press briefing nitong Huwebes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na ang direktiba ng Palasyo ay ipinadaan ni Medialdea sa PNP-Internal Affairs Service, na siyang nagsisiyasat kung may nilabag na quarantine protocols sa naturang selebrasyon ng kaarawan ni Sinas.

“I think it is a significant development na no less than the Executive Secretary has ordered the investigation and the results be forwarded to his office,” sabi ni Roque.

“Hayaan na muna nating umusad ang imbestigasyon bago natin pag-usapan ang parusa,” dagdag ni Roque.

May hiwalay ding imbestigasyon na ginagawa ang National Bureau of Investigation sa naturang usapin.

Nauna nang sinabi ni Sinas na walang nilabag na quarantine protocol sa mañanita dahil naka-face mask naman daw ang mga taong bumati sa kaniya at nasunod ang social distancing.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año nitong Miyerkules, ang "mañanita" ay tradisyon sa mga pulis at sundalo upang batiin ng mga tauhan ang kanilang opisyal na nagdiriwang ng kaarawan.

Ginagawa umano umano ang tradisyon sa umaga.

Humingi na rin ng paumanhin si Sinas sa insidente pero iginiit niyang edited at luma umano ang ilang larawan na kumalat sa social media.

Gayunman, tumanggi siyang magbakasyon muna sa puwesto habang nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa insidente.— FRJ, GMA News