Naghain si Bise Presidente Sara Duterte ng reklamong perjury laban kay Ramil Madriaga, ang kaniya umanong dating security aide na nagsabing pinondohan ng drug dealers at mga operator ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang kaniyang kampanya noon sa halalan. Sino nga ba si Ramil Madriaga?
Ang affidavit na isinumite ni Madriaga sa Ombudsman noong Disyembre 2025, ay naging bahagi ng ebidensiya laban kay VP Duterte sa dalawang impeachment complaints ngayong 2026, na idineklarang "sufficient in substance at forms" ng House Committee on Justice.
Nakakulong si Madriaga sa Camp Bagong Diwa, Taguig City mula pa noong 2023 matapos madawit sa isang kidnapping case.
Batay sa notaryong salaysay ni Madriaga noong 2025, ipinakilala niya ang sarili bilang isang law graduate mula sa San Sebastian College sa Maynila.
Nagtrabaho umano si Madriaga sa ilang ahensiya ng gobyerno mula 1993 hanggang 2021, hanggang sa ipakilala siya sa pamilya ni Duterte ni noo’y congressman na si Roilo Golez, upang magbigay ng political at security advice sa noon nama’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Matapos maupo ang nakatatandang Duterte bilang pangulo, isa umano sa mga naging trabaho ni Madriaga ang pagbibigay ng intelligence information para sa “Oplan Double Barrel.”
Taong 2018 nang italaga naman siya sa Presidential Security Group, at doon niya nakilala si Sara Duterte, na siya namang alkalde noon ng Davao City.
Binigyan din umano si Madriaga ng tungkulin para sa intelligence gathering para kay Sara Duterte.
Siya rin umano ang bumuo ng “Inday Sara Duterte is my President (ISIP) Pilipinas” upang suportahan ang balak umano noon ni Sara na tumakbong Pangulo.
Ayon pa kay Madriaga, ito mismo ang instructions sa kaniya ni Sara Duterte.
"The funding for the ISIP Pilipinas national campaign (2021-2022), along with other parallel groups, came from POGO operators and drug dealers,” sabi Madriaga sa kaniyang affidavit.
Nasaksihan din umano ni Madriaga ang paghatid ng P1 bilyon sa Muntinlupa City.
“Around the first quarter of February 2020, I was instructed by MSgt. Canlas, a PSG officer whom I came to know in Davao, to pick up a Super Grandia at Jollibee Kamuning, Quezon City, and deliver it to a car wash along Daang Hari, Muntinlupa City. From the meeting point, I was told to proceed to Katarungan Village nearby, where I handed the keys to two men who were inside a black Honda Civic. This delivery was later verified through a call from President Duterte himself, who confirmed that the vehicle was received by those two men whose names I can no longer recall,” sabi pa ni Madriaga.
Si Madriaga rin umano ang nagsilbing tagahatid ni VP Duterte ng milyun-milyong pisong cash sa iba't ibang personalidad.
Sa kaniyang notarized affidavit, inilahad ni Madriaga na inutusan umano siya nina Col. Dennis Nolasco at Col. Raymond Lachica, mga tauhan umano ng OVP, na maghatid ng apat na duffel bag na may hanggang P35 milyong cash bawat isa sa iba’t ibang tao.
“Hindi niya ma-describe 'yung hitsura pero sabi niya, isang duffel bag na puwede kang magpasok ng tao sa laki, na sabi niya, 'pag punong-puno daw 'yun, kayang maglaman ng mga P35 milyon 'yun. Sabi ko, ‘Bakit alam mo 'yung laman?’ E Attorney, sanay na ako mag-deliver ng pera, e. Binubuksan ko minsan 'yan, kaya tantyado ko na 'yung laman n'yan,’ sabi ni Atty. Raymund Palad, abogado ni Madriaga.
Gayunman, iginiit ni VP Duterte na hindi nagtrabaho si Madriaga sa kaniyang mga naging opisina.
“[We have] a certification from the ASPG, formerly the VPSPG. We have a certification from the Department of Education. And we also have a certification from the Davao City local government stating, attesting that there has never been any Ramil Madriaga that was employed or otherwise connected with those offices,” ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo, Jr. Legal Counsel ni VP Duterte.
Sa isa pang pahayag, sinabi pa ng Bise Presidente na kailangang panagutan ni Madriaga ang mga kasinungalingan nito umano.
“Hindi maaaring hayaang gamitin ang mga imbentong kuwento upang linlangin ang publiko,” ani Duterte.
Sa kabila nito, sinabi ng abogado ni Madriaga na pinaninindigan ng kaniyang kliyente na totoo ang mga nakapaloob sa kaniyang affidavit.
Handa rin si Madriaga na humarap sa mga pagdinig kung sakaing ipatawag ng investigating bodies.
Sa gitna nito, pinagtatangkaan umano ang kaniyang buhay kahit kasalukuyan na siyang nasa loob ng piitan.
Pinag-aaralan na ng kampo ni Madriaga ang posibilidad na mag-apply ng Witness Protection Program. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
