Malubhang nasugatan ang isang babaeng Grade 3 student matapos siyang mabundol at pumailalim sa isang van habang tumatawid sa pedestrian lane sa Kalibo, Aklan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa tapat mismo ng paaralan sa Barangay Estancia.

Sa video footage, makikita ang 9-anyos na biktima na naghintay munang makadaan ang ilang sasakyan bago siya tumawid pero biglang sumulpot ang van.

Tumilapon ng ilang metro ang biktima at pumailalim pa sa sasakyan.

Kaagad na dinala sa pagamutan ang biktima at stable na umano ang kalagayan.

Naaresto naman ang driver ng van na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Pinadalhan din siya ng Land Transportation Office ng show cause order para pagpaliwanagin sa nangyaring insidente.

Ayon kay Police Lieutenant Daruis Padilla, Investigation Officer ng Kalibo Police, dapat nagmenor o nagbagal na sa takbo ang driver ng van dahil mayroong pedestrian lane sa lugar. – FRJ GMA Integrated News