Isang lalaki at isang babae na magkaangkas sa motorsiklo ang nasawi, habang tatlong iba pa ang sugatan matapos silang mahagip ng isang dump truck na nawalan umano ng preno sa Tanay, Rizal. 

Sa ulat ni Jamie Santos sa State of the Nation nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente kaninang hapon sa panulukan ng Marilaque Highway at JP Rizal Avenue.

Ayon sa pulisya, sinabi ng driver ng truck na pumalya ang preno ng kaniyang sasakyan at hindi na niya naiwasan ang mga sasakyan na nakatigil dahil nakapula ang traffic light.

Unang nahagip ng truck ang motorsiklo ng dalawang biktimang nasawi.

Natumbok din ng truck ang dalawang tricycle at isa pang motorsiklo, na pawang sugatan din ang mga nagmamaneho.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at hinihintay ang desisyon ng mga nasaktang biktima at kaanak ng mga nasawi kung kakasuhan nila ang driver ng truck. – FRJ GMA Integrated News