May saksak sa leeg, nakagapos ang kamay at paa, at walang saplot pang-ibaba nang matagpuan sa higaan ang bangkay ng 14-anyos na dalagita sa kanilang bahay sa Pangarap Village, Caloocan City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA news "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Garlene Teria, nakadapa umano sa higaan nang madatnan ng kaniyang ina pag-uwi galing sa trabaho kaninang 6:00 p.m.

Suspek sa krimen ang kanilang kapitbahay na si Diomedes Liamez, na patuloy na pinaghahanap.

Sabi ng ina ng biktima na si Mary Jean, ilang beses na niyang nakaaway ang suspek. Isa na rito ang pagbibintang ng suspek sa ina bilang positibo sa coronavirus disease 2019.

"Sumisilip pala diyan sa bintana nila na sinisilip niya kung anong pinag-uusapan namin. Ang isip niya, siya ang pinagkwe-kwentuhan. Madalas ganon ang pinag -awayan namin. Pero kung tutuusin siya talaga 'yung gumagawa ng paraan para mag-away kami," ani Mary Jean.

Ang tiyahin ng biktima, labis ang sama ng loob sa ginawa sa kaniyang pamangkin.

"Sana naman makonsensya siya dahil wala naman kasalanan 'yung bata sa kaniya, walang kasalanan 'yung bata sa kaniya. Bakit niya ginawa 'yun," umiiyak na sabi ni Susie Dongoya, ang tiyahin ng biktima.

Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima. --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News