Apat na sakay ng isang kotse ang sugatan matapos silang salpukin ng isang trak ng bumbero na reresponde raw sa sunog.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang sakuna nitong Huwebes ng gabi sa panulukan ng Dapitan at M. Dela Fuente sa Sampaloc, Maynila.

Sa kuha ng CCTV, makikita na mayroong intersection o yellow box sa lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Galing sa Dapitan ang trak nang masalpok nito sa tagiliran ang kotse na nanggaling naman sa M. Dela Fuente.

Ayon kay Francisco Vargas, OIC, EMS Department Raja volunteer, nagtamo ng mga sugat ang mga sakay ng kotse na dinala sa ospital.

Sinabi pa ni Vargas na ilang beses nang nagkaroon ng aksidente sa lugar na kadalasan ay kinasasangkutan ng mga nakasakay sa motorsiklo dahil binabalewala ang yellow box.

Hindi nagbigay ng pahayag ang driver ng trak ng bumbero pero sinabi umano nito sa mga awtoridad na reresponde sana sila sa sunog.

Nagpreno din umano siya nang makita ang kotse pero hindi kaagad nakatigil ang trak dahil na rin daw sa bigat ng kargang tubig.

Mahaharap sa kaukulang reklamo ang driver ng trak.--FRJ, GMA News