Isang miyembro ng LGBT community ang nakitang palutang-lutang ang katawan sa ilog sa Caloocan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

May mga sugat sa ulo ang bangkay ng biktimang si Donna Nierra nang matagpuan ito nitong Lunes ng umaga sa Barangay 176 sa North Caloocan.

Kuwento ng kaanak ng biktima, nagpaalam si Donna na may lakad sila ng kaniyang mga kaibigan nitong Sabado ng hapon. Hindi na raw ito umuwi mula noon.

Dagdag pa nila, wala raw silang alam na kaaway ni Donna kaya palaisipan sa kanila ang nangyari rito.

"Makonsensiya ka sana kasi hindi naman manika yung tinapon niyo, tao yun. Wala kayong mga puso," panawagan ng kapatid ni Donna na si Mae Ann Nierra. —KBK, GMA News