Patay sa pamamaril ang mag-live in partner sa loob mismo ng kanilang bahay sa Old Balara, Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Iniulat ni James Agustin sa "Unang Balita" na nangyari ang pamamaril dakong alas-onse ng gabi.

Ayon sa mga kapitbahay, nagising na lamang daw sila ng mga susnod-sunod na putok ng baril at hindi nila malaman kung ilan ang mga salarin dahil masyado umanong madilim sa lugar.

Kinilala lamang ang mga biktima sa mga alyas na “Jonathan” at “Jackie.”

Nakuha sa crime scene ang siyam na basyo ng bala ng baril, ayon sa SOCO.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang motibo sa krimen. —LBG, GMA News