Inihayag ng Malacañang na posibleng ipagpaliban muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbasura ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa Amerika.

Ang pahayag ay ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque, isang araw matapos imungkahi ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon, na palawigin ang pagpapaliban sa pagbasura sa VFA dahil na rin sa ginaganap na halalang pampanguluhan sa Amerika.

“Kung gusto natin ng elbow room, an extension of the suspension would be the choice given na mayroong possibility ng bagong administration na papasok sa America," sabi ni Biazon.

Naglalaban sa panguluhan ang incumbent president na si Donald Trump at si dating Vice President Joe Biden.

Ayon kay Biazon, sakaling magkaroon ng bagong liderato sa Amerika, posible ring magkaroon ng pagbabago sa foreign policy ng naturang bansa.

“Kung ie-extend lang natin ‘yong suspension, then we have the elbow room whether to later on push through with the termination or baka itong period na ito na magkaroon ng elections, it would become an opportunity for the Philippines to negotiate for terms that it deems better,” paliwanag ni Biazon, vice chairman ng House Committee on National Defense.

Bukod dito, magkakaroon din umano ng dagdag na panahon ang Korte Suprema na makapagdesisyon sa petisyon ng Senado tungkol sa kuwestiyon kung kailangan pa ang boto ng mga senador bago ibasura ang VFA na itinuturing isang tratado, na dumaan sa Mataas na Kapulungan.

“Ang alam ko rin wala pang action ang Supreme Court whether to even issue an order to put everything in suspension. As I understand it, noong nag-issue ng suspension of termination ‘yong Philippine government, in effect ulit ‘yong VFA," ayon sa mambabatas.

Sa panayam ng CNN Philippines nitong Miyerkules, sinabi ni Roque na posibleng palawigin ni Duterte ng panibagong anim na buwan ang suspensiyon sa pagbasura sa VFA.

“Perhaps the President will invoke the second six month time to finally abrogate the VFA,” anang opisyal.

“But anyway, what I am saying is, there is no immediate rush for the President to decide because the notification we sent to the Americans gives them at least one year leeway before it’s abrogated.”

Nitong Hunyo inihayag ng pamahalaan ang pagsuspindi sa pagbasura sa VFA na pinaniniwalaan dulot ng COVID-19 pandemic at mga nangyayari sa pinag-aagawang South China Sea.

Nitong nakaraang Pebrero, inihayag ni Duterte ang pasya niyang ibasura na ang VFA matapos kanselahin ng Amerika ang US visa ng kaniyang kaalyado na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, dahil sa umano'y pagiging bahagi ng huli sa kontrobersiyal na war on drugs sa Pilipinas.

Ang VFA ay niratipikahan ng Senado noong 1999, at bahagi nito ang pagsasanay sa bansa ng mga sundalong Amerikano at Filipino.— FRJ, GMA News