Isang 28-anyos na ginang na mayroong dalawang batang anak ang nasawi nang madamay at tamaan ng ligaw na bala sa away ng isang sex worker at kliyente ng huli sa Tondo, Manila.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras”  nitong Martes, sinabing pauwi na sana ang biktimang si Sheena Tiongson kasama ang kaniyang mister na si Jerico nang biglang mahagip ng ligaw na bala.

“Ilang pangarap ‘yung kinuha niya, ilang pangarap ‘yung... pangarap nga rin ng asawa ko mag-abroad para sa anak namin,” malungkot na sabi ni Jerico.

Hindi rin napigilan ng ina ni Tiongson ang kaniyang luha sa burol ng anak.

“Panagutan niya itong ginawa niya sa anak ko. Nagbarilan sila. Bakit hindi na lang sila, dinamay pa ‘yung anak ko,” hinanakita ni Aling Saturnina Casidsid.

Sa kuha ng CCTV footage, makikitang nagka-tensyon nang Claro M. Recto Avenue sa Maynila noong Linggo ng gabi nang harangin ng isang babae at lalaki ang rider ng motorksiklo at angkas nito.

Maya-maya pa ay makikitang biglang nagtakbuhan na ang mga tao dahil nagpaputok na pala ng baril ang lalaking hinarang na nakasakay motorsiklo.

“Makikita rin sa CCTV na kinuyog itong suspek at napilitang bumunot ng baril,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Carlo Manuel, tagapagsalita ng Manila Police District.

Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasan na magka-live in ang babae at lalaki na humarang at nakipag-away sa suspek.

Sex worker umano sa lugar ang lalaki at kostumer nito ang rider na kaniyang nakasagutan.

“Magkalipas ang ilang minuto parang nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan, bumaba itong babae,” sabi ni Manuel.

Nang magsumbong ang babae sa kaniyang live-in partner kaya hinarang nila ang suspek na armado pala ng baril.

“Binuhusan ng kape sa mukha at sinapak. Hindi niya ho alam may baril yung lalaki,” ayon sa isang saksi.

Sugatan din sa pamamaril ang live-in partner ng babae at dalawa pang nadamay sa insidente.

Pinag-aaralan na ng MPD ang mga kuha ng CCTV upang malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at ang kaniyang angkas na lalaki.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News