Sinita ng Commission on Audit (COA) ang ginawang pagbili ng Zambales ng P61-milyong halaga ng mga pagkain at gamit na pang-ayuda noong panahon ng COVID-19 lockdown. Ang mga produkto, binili sa mga kompanya na iba ang linya ng itinitinda tulad ng mga libro, agri products at construction materials.

Sa audit report ng COA, sinabing ibinigay ng Zambales-LGU ang kontrata ng pagbili ng bigas, canned goods, janitorial supplies, at equipment sa LMVJ Trading, J. Delos Santos Poultry and Agricultural Supply, Ronie’s Trading, at GMJ Trading.

Ayon sa COA, ibinigay ang naturang mga kontrata sa mga nasabing supplier kahit lumilitaw sa record ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na iba ang produktong ibinebenta ng mga ito.

Tulad ng P12 milyon na halaga ng bigas, janitorial supplies, at equipment na ibinigay sa Bulacan-based LMVJ Trading, na nakarehistro sa BIR bilang retailer ng libro, office at school supplies, at mga computer.

ADVERTISEMENT

Bumili rin ang Zambales ng P10 milyong halaga ng bigas sa J. Delos Santos Poultry and Agricultural Supply, na nakarehistro naman sa BIR bilang retailer ng agricultural farm supplies at equipment.

Bumili rin umano ang Zambales-LGU ng P35 milyon na halaga ng canned goods mula sa Ronie’s Trading na nakarehisto sa BIR bilang retailer ng construction materials, equipment, office at school supplies, newspapers, magazines, at libro.

Nakita rin ng COA na bumili ang Zambales ng P3 milyon halaga ng canned goods mula sa GMJ Trading, na nakarehistro na ang itinitinda ay office at school supplies, newspapers, magazines, books, at food, beverages, at tobacco.

“In view of the foregoing lapses, the discrepancies noted in the permits and registrations of the suppliers and the subsequent awarding of the contracts in their favor is questionable,” ayon sa COA.

Ayon pa sa COA, tungkulin ng local Bids and Awards Committee (BAC) na, “to determine whether the Mayor's Permit and BIR Certificate of Registration issued to the supplier authorizes it to engage in the business stated therein.”

Ipinaliwanag naman ng BAC chairman na ang pagbili ng mga naturang produkto ay alinsunod sa Emergency Procurement-Bayanihan Act, at tiniyak ng provincial accountant na ang naturang pagbili ay naaayon sa itinatakda ng Interior and Budget Department circulars.

Inirekomenda ng state auditors na atasan ng opisyal ng lalawigan ang BAC na, “fully scrutinize” ang mga dokumento na isinumite ng mga supplier at ipaliwanag kung bakit tinanggap ang mga dokumento “without proper verification or validation.” —FRJ, GMA News