Ipinagbawal ulit ng Inter-Agency Task Force (IATF) for Emerging Infectious Diseases ang paglabas o pamamasyal ng mga batang edad lima pataas dahil sa tumataas na kaso ng mas nakahahawang Delta coronavirus variant.

Ayon kay IATF head at Health Secretary Francisco Duque III, napagkasunduan ng task force agreed na suspindihin muna ang Resolution 125, na nagpapahintulot noon sa mga bata na lumabas ng bahay sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.

“Ang latest natin diyan ay hindi na muna natin papayagan sa ngayon,” sabi ni Duque sa panayam sa radyo. “Dahil nagkaroon na tayo ng Delta variant ay nagkaisa ang IATF na iatras muna itong resolution na ito.

Sinabi rin ng kalihim na mayroon ding "final say" ang mga lokal na opisyal kung hanggang ilan taong gulang ang papayagan na lumabas sa kanilang lugar.

“Sila naman ang implementing unit... Nakalagay naman 'yan sa IATF Resolution 25, nakatakda doon na ang mga LGUs, may kapangyarihan para itaas 'yung edad depende sa COVID situation nila,” paliwanag ng kalihim.

Huwebes ng gabi nang ideklara ng DOH na mayroon nang local transmission ng Delta variant sa bansa.

“Para lang makasiguro tayo, in a week or two, gumawa na naman tayo ng evaluation natin or assessment [at] kung makita naman na hindi naman patuloy na tumataas, lalo na sa NCR, baka pwedeng ibalik ‘yung Resolution 125,” ayon kay Duque.

Dahil pa rin sa Delta variant, inilagay ang Metro Manila, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao del Norte, at Davao de Oro sa GCQ with heightened restrictions simula July 23 hanggang 31.

Bunga nito, babawasan na muli ang kapasidad sa ilang establisimyento tulad ng mga kainan at mayroon din mga hindi papayagang mag-operate muna tulad ng mga gym.

Nitong Huwebes, nasa 47 Delta variant cases ang naitatala sa ngayon at walo ang aktibo. Gayunman, tumataas ang pangkalahatang kaso ng COVID-19 sa bansa, pati na sa Metro Manila.— FRJ, GMA News