Patay ang isang lalaking may kundisyon umano sa pag-iisip matapos barilin ng barangay tanod habang curfew sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Naganap ang insidente nitong Sabado, bandang alas-9 ng gabi, at nakunan ito ng CCTV.

Sa kuha ng CCTV, makikitang may sinisita ang tanod. Maya-maya, bigla na lang itong tumakbo at bumunot ng baril. Pasugod pala sa kaniya ang sinita niyang lalaki na may dalang pamalo.

Binaril ng tanod ang lalaki pero hindi pumutok ang baril. Sa pangalawang beses ay pumutok na ito at tinamaan ng bala ang biktima sa dibdib.

Dead on the spot ang biktimang edad 59 anyos. Ilang laruang baril ang nakuha mula sa kaniya.

Nahuli naman ang tanod na si Cesar Panlaqui kinabukasan. Aniya, tatakutin lang niya sana ang biktima na sinita niya dahil sa pag-iingay. Pinapalo raw kasi ng biktima ang mga gate at pinto ng mga bahay.

Nakuha mula kay Panlaqui ang isang revolver na walang kaukulang dokumento. Tinitignan na raw ito ng mga pulis.

Ayon naman kay Panlaqui, pangdepensa niya sa sarili ang baril dahil marami raw masasamang tao sa kanilang lugar. —KBK, GMA News