Naghain ng certificates of candidacy (COC) si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor nitong Huwebes para kumandidatong alkalde ng Quezon City sa Eleksyon 2022.

Kasama niyang naghain ng COC si incumbent QC Councilor Winnie Castelo na magiging kandidatong vice mayor ni Defensor sa ilalim ng Malayang Quezon City coalition.

ADVERTISEMENT

Makakalaban nina Defensor at Castelo ang re-electionist mayor na si Mayor Joy Belmonte at Vice Mayor nito na si Gian Sotto. Nauna nang naghain ng COCs ang dalawa noong Martes sa ilalim ng Serbisyo sa Bayan party.

Sa pahayag, sinabi ni Defensor na kasama niya sa paghahain ng COCs ang mga kaalyadong sina re-electionist Quezon City Representatives Anthony Peter “Onyx” Crisologo; Councilor Marvin Rillo, ang lalaban sa pagka-kongresista sa fourth district; at si dating Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo, ang pambato niya sa ika-anim na distrito.

Hindi naman nakasama sa filing ng COCs si Rose Lin, na kandidato nila sa fifth congressional district.

“We are very excited by the opportunity to serve and help improve the quality of life of our people,” ani Defensor.—FRJ, GMA News