Nagbunga rin ang dalawang dekadang pagtaya sa lotto ng isang ginang sa Cavite nang isa siya sa apat na mananaya na tumama ng jackpot prize sa lotto 6/42 draw noong Enero 6, 2022.

Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing mula sa Maragondon ang ginang.

Isa siya sa apat na mananaya na nakakuha sa winning combination na 23-01-09-24-12-07, sa lotto 6/42 noong Enero 6, na may premyong P42,945,708.20.

Mga petsa raw ng kapanganakan nilang mag-asawa at mga anak ang mga numero na kaniyang tinatayaan.

“Mabilis pong maubos ang pera, kaya dapat pag-isipan mabuti kung saan ito gagamitin," pahayag ng ginang patungkol sa kaniyang napanalunan.

Samantala, mula naman sa Moalboal, Cebu ang sinasabing nanalo ng P28,851,800.80 jackpot prize sa Lotto 6/42 noong February 24, 2022, at ang six winning combination ay 12-29-15-03-06-20.

Tinamaan din ang P10,304,636.60 jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 draw noong February 25, 2022.

Tinayaan umano sa Naga, Camarines Sur ang suwerteng tiket na may winning combination na 06-22-23-41-36-21.

--FRJ, GMA News