Bumulagta sa kalye ng Roxas Boulevard ang isang lalaking nagtangka raw magnakaw sa isang establisimyento at tumangay ng motorsiklo matapos siyang barilin ng security guard. Ang sekyu, arestado.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing ang security guard ay nagbabantay sa isang KTV bar sa Paranaque.

ADVERTISEMENT

Ayon umano sa sekyu, tinangka raw ng napatay niyang lalaki na manloob sa binabantayan niyang establisimyento at tinangka rin nakawin ang kaniyang motorsiklo.

Aarestuhin daw niya ang lalaki pero nagtangka raw tumakas kaya niya binaril at humandusay sa Roxas Boulevard.

Batay naman sa kuwento ng isang saksi, pinosasan daw ng guwardya ang lalaki at binaril ulit.

Nasa kostudiya ng Paranaque police ang guwardiya habang iniimbestigahan ang nangyaring pamamaril.-- FRJ, GMA News