Isang pulis ang nahuli-cam na nagwala at nanutok ng baril sa isang lalaki sa Quezon City. Ang sinasabing ugat ng init ng ulo ng pulis, ang pakikipaghiwalay sa kaniya ng nobya.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, makikita sa video ang pagdating ng inirereklamong si Police Corporal Wesley, na sakay ng motorsiklo.

Nangyari ang insidente noong nakaraang Biyernes sa labas ng isang bahay sa Barangay Pasong Tamo.

Naging mainit ang pakikipagsagutan ni Hernandez sa lalaking live in partner ng kapatid ng kaniyang nobya.

Hindi nagtagal, naglabas na ng baril si Hernandez at tinutukan ang kasagutang lalaki. Pilit namang inaawat ng nobya ang pulis.

Nang makatakbo sa loob ng bahay ang lalaki, umalis na si Hernandez, na nakatalaga sa drug enforcement unit sa isang police station sa QC.

Pero bago ang pakikipagkomprontasyon ni Hernandez sa lalaki, nauna na palang nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang pulis at ang kaniyang nobya na nakikipaghiwalay na sa kaniya.

Hindi rin pala ito ang unang pagkakataon na nagwala si Hernandez lalo na kapag lasing umano. Inireklamo na rin siya noon pero iniurong ito matapos na mangakong hindi na uulitin ang ginawa.

Ayon sa lalaking tinutukan ng baril, napasugod siya sa bahay nang tawagan siya ng kaniyang partner dahil nagwawala si Hernandez at pinagbabantaan ang kanilang buhay.

Inalis na sa puwesto si Hernandez at inilipat na sa personnel holding and accounting unit sa Camp Karingal, at hindi na nakuhanan ng kaniyang panig.

Mahaharap siya sa patong-patong na reklamo, kasama na ang administratibo na posibleng ikasibak niya sa trabaho.--FRJ, GMA News