Kasunod ng pangunguna sa unofficial tally sa resulta ng Eleksyon 2022, bumisita si presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa puntod ng kaniyang ama na si dating Pangulong Marcos Sr., sa Libingan ng mga Bayani.

Sa Facebook page ng dating senador ngayong Miyerkules, makikita ang mga larawan ni Bongbong na nag-alay ng bulaklak sa puntod ng nakatatandang Marcos nang magtungo siya sa Libingan nitong Martes.

ADVERTISEMENT

Sa kabila ng mga kritisismo at pagtutol mula sa biktima ng Martial Law, naihimlay sa Libingan ng mga Bayani noong 2016 ang mga labi ni Marcos Sr. matapos itong payagan ni outgoing President Rodrigo Duterte.

Iginiit noon ng nakababatang Marcos na may karapatan ang kaniyang ama na mailibing sa naturang himlayan dahil dati itong pangulo at sundalo.

Sa partial and unofficial count ng Eleksyon 2022 nitong Miyerkules ng tanghali, nakakuha si Marcos ng mahigit 31 milyon boto, kontra sa halos 15 milyon boto ng pumapangalawa sa kaniya na si Vice President Leni Robredo.—FRJ, GMA News