Sa kulungan ang bagsak ng isang pulis matapos niyang molestiyahin umano ang isang 15-anyos na binatilyo sa loob ng isang estasyon sa Las Piñas City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng opisina ng sub-station 1 ng Las Piñas City Police nitong Martes.

Naganap ang pananamantala umano ng suspek habang nagsasagawa ng morning devotion at Bible study ang ina ng biktima, na isang pastora na nakadestino sa estasyon.

Habang nangangaral ang pastora, lumabas ng estasyon ang binatilyo at nilapitan ito ng pulis na nagsisilbing desk officer ng mga oras na iyon.

Hinawakan umano ng pulis ang kaliwang balikat at dibdib ng binatilyo, hanggang sa umabot na ang panghihipo sa pantalon at maselang bahagi ng katawan ng biktima.

Hindi pa natapos ang pangmomolestiya ng suspek, nang papasukin niya ang binatilyo sa opisina at doon niya itinuloy ang kahalayan.

Agad na nagreklamo sa Las Piñas City Police ang ina ng biktima.

"Noong una kasi, ang sabi ng nanay, hinawak-hawakan. But when I personally interviewed his son, of course in front of the mother, mas malalim doon 'yung ginawa," sabi ni Police Colonel Jaime Santos, hepe ng Las Piñas City Police.

"Kami naman, we don't tolerate such a thing, kaya ang ginawa po namin, ako bilang Chief of Police, I personally went to the sub-station and we effected the arrest," dagdag ni Santos.

Sa kulungan ng Las Piñas Police nagkaharap ang pulis at mag-ina, kung saan positibong itinuro ng biktima ang suspek.

"Nakakalungkot kasi ilang years na lang magre-retire na siya. Wala naman siyang record kundi ito lang, tapos may mga allegations at speculations about him before na unsubstantiated. Ito lang talaga 'yung nag-materialize na siya talaga kasi 'yung tinuturo, may complainant," ani Santos.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek, na nakatakdang sampahan ng sexual assault at paglabag sa Republic Act 7610.

Nakatakda ring pagpapaliwanagin ang sub-station commander ng Alabang Zapote station kung bakit hinayaan umanong mangyari sa loob mismo ng estasyon ang panghahalay. —Jamil Santos/LBG, GMA News