Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos mahuli dahil sa ilegal na pagbebenta umano ng baril online sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ang mga suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay West Kamias sa nasabing lungsod.

Kinilala ang mga suspek na sina Rusty San Agustin at James Romualdo, na nabilhan ng baril sa halagang P5,000.

Sinabi ng pulisya na isang linggo nilang minanmanan ang transaksiyon ng mga suspek na nangyayari sa online umano.

"Ang nakipag-deal dito is 'yung ating dalawang operatiba kung saan ang unang deal nila is kapalit ay motor ang hinihingi. Kaya lang noong nag-direct message na, ipinakita ngayon 'yung baril na gusto, kasi ang pangako sa kanila ay .45 caliber. Noong nagkaroon na sila ng direct message, ipinakita 'yung picture ng baril, ito nga 'yung nakuha natin doon sa mga suspek, 'yung .38," sabi ni Police Lieutenant Colonel Elizabeth Jasmin, commander ng Kamuning Police Station.

Nakuha mula sa mga salarin ang isang baril, mga bala, buy-bust money at dalawang cellphone.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung kabilang ang mga suspek sa isang grupo.

"We are trying to look doon sa pinagkukunan nila ng armas, kung saan ito nanggagaling. Ipapa-check namin 'yung social media na ginagamit nila," sabi ni Jasmin.

Hindi na nakausap ng media ang dalawang suspek na nakabilanggo sa QCPD Station 10.

Sasampahan ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/VBL, GMA News