Matapos na manatili ng ilang araw sa ICU, nakalabas na ng ospital nitong Huwebes ng gabi ang security guard na nahuli-cam na binundol at sinagasaan ng SUV sa Mandaluyong.

Sa inilabas na video ng Raptor Security Agency, sinabi ng biktimang si Christian Joseph Floralde na itutuloy niya ang pagsasampa ng reklamo sa driver ng SUV na sumagasa sa kaniya at hanggang ngayon ay hindi pa sumusuko sa mga awtoridad.

“Tutuloy ko po ‘yung kaso para makamit ko po ‘yung hustisya na nararapat po sa akin,” ani Floralde.

“Sa ngayon, masama pa rin ang loob ko sa ginawa niya sa akin. Tinakbuhan niya ako, hindi man lang siya tumigil bagkus iniwan ako. Pero may Diyos tayo na marunong magpatawad at ang Diyos na ho ang bahala sa kanya,” dagdag niya.

Nangyari ang insidente noong June 6 habang nagmamando ng trapiko ang biktima sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street.

Una rito, sinabi ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos, hinihintay nilang lumabas ang "warrant" mula sa korte para maaresto nila ang suspek.

Ipinaliwanag ni Unos na naisampa na nila ang reklamo laban sa suspek kaya hindi na nila ito basta na lang maaresto nang walang warrant ng korte.

Reklamong frustrated murder and abandonment of one's own victim ang isinampa ng pulisya laban sa suspek. --FRJ, GMA News