Nahuli ang isang tumatakas na snatcher matapos sumemplang ang kanyang getaway na motorsiklo matapos manghablot ng cellphone ng isang truck driver.

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules, na sugatan ang suspek matapos matumba ang kanyang motorsiklo sa Barangay Doña Imelda, Quezon City.

Nangyari ang insidente matapos manghablot ng cellphone ang suspek.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon ng pulisya, kapaparada lamang umano ng isang truck driver upang mag-text nang biglang dumating ang isang lalaking nakamotor at biglang hinablot ang kanyang cellphone.   

Nagkaroon ng habulan at doon na sumemplang ang suspek, na agad namang naaresto ng mga awtoridad na rumuronda sa lugar.

Ito na umano ang pangalawang beses na nasangkot sa naturang krimen ang suspek na 18-anyos, na kinilalang si Joseph Macatangay.

Ayon sa mga pulis, nasangkot na rin si Macatangay ng kaparehong kaso noon pero 17-anyos pa lamang siya kaya sa himpilan ng DSWD lamang siya dinala at pinalaya rin siya matapos mabigyan ng counseling.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. —LBG, GMA News