Sumadsad ang isang pampasaherong bus sa gilid ng South Luzon Expressway bandang Biñan, Laguna makaraang makaidlip ang driver Lunes nang umaga.
Sa ulat ni GMA News reporter Nico Waje sa Unang Balita, umamin ang driver ng bus na si Joel Fuenzalida na siya ay nakaidlip. Unang beses umano itong nangyari sa mahigit 18 taon niyang pagmamaneho.
“Hindi ko po kinaya ang [antok]. Namalayan ko na lang po na nandiyan na po ako sa gilid ng barandilya. Buti nga po pag-apak ko ng preno, kumagat pa po ‘yung preno. Dati po nahinto po ako diyan sa lay-by, kaso lang kagabi talaga hindi ko talaga [...] nakalimutan ko huminto doon sa may lay-by,” ani Fuenzalida.
Nawasak ang barriers sa gilid ng expressway at bakas pa ang pinagsadsadan ng bus. Nasira din ang harapang bahagi ng sasakyan.
Bandang Pamplona, Quezon umano nang palitan si Fuenzalida ng kaniyang kariliyebong driver. Limang oras na umano siyang nagmamaneho at balak niyang dumiretso na ng Cubao kaya’t hindi na niya ginising pa ang kaniyang kariliyebo.
Galing ang bus sa Irosin, Sorsogon at papunta sana ng Cubao upang magbaba ng mga pasahero.
Paliwanag din ni Fuenzalida, mabagal naman umano ang kaniyang takbo dahil na rin sa ulan.
Wala namang naulat na nasaktan sa insidente.
Dinala na sa Highway Patrol Group headquarters sa Sta. Rosa, Laguna si Fuenzalida kung saan din niya pinagbigay alam sa kumpanya ng bus ang nangyari.—Alzel Laguardia/AOL, GMA News
