Binawian ng buhay ang isang 18-anyos na pasibol na boksingero na unang nawalan ng malay sa gitna ng kaniyang pagsasanay sa isang gym sa Makati City. Doble ang pasakit sa kaniyang mga magulang dahil na-scam pa sila habang humihingi ng tulong para sa pagpapagamot ng anak.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangangarap na maging professional boxer mula sa Cavite ang binatang si Axiel Van Dignos.

Nakasungkit na ng mga medalya sa flyweight division si Axiel, at hangad na sundan ang yapak ng kaniyang ama at coach na si Mang Charlito "Boy" Dignos.

Ngunit habang nasa sparring noong isang linggo sa gym sa Makati, biglang nag-collapse si Axiel. Dinala siya sa ospital at ilang araw na na-comatose bago binawian ng buhay noong Linggo ng gabi.

"Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito kasakit. Grabe, hindi ko mawari, ang sakit talaga," sabi ni Charlito.

"Hindi nga po ako makapaniwala na nangyari 'yun sa kaniya, bigla na lang iniwan niya po kami. Sobrang sakit po talaga," sabi ni Charles Ivan, kapatid ni Axiel.

Sinabi ni Charlito na noong nasa ensayo, nagsimulang malakas ang anak, pero napansin niya na mabilis na napagod ang anak.

"Maganda naman 'yung galaw niya, 'yung suntok niya malakas. Pagkatapos ng two rounds, nagsabi siya sa akin 'Pa pagod ako, pagod na ako.' First time niyang nagsabi sa akin ng gano'n sa sparring," sabi ani Charlito.

Sinabi ng Ospital ng Makati kung saan dinala si Axiel, na uncal herniation secondary to severe traumatic brain injury ang sanhi ng kaniyang pagkasawi, o nagkaroon ng pagdurugo sa kaniyang utak.

"'Usually happens po na biglaan so dahil po ito... due to injury po sa ulo, due to repeated blows to the head, so pwede po magka-intracranial bleeding,'" sabi ni Dr. Joseph Noel De Chavez, Chief Surgical Resident ng Ospital ng Makati.

"Dahil po nu'ng bleeding, nagkaroon pong increase pong pressure sa loob po ng ulo kaya naipit po yung part ng utak na nagko-control po sa paghinga at saka pagtibok po ng puso ng pasyente," dagdag ni De Chavez.

Hindi na isinailalim pa sa operasyon si Axiel dahil unstable ang kaniyang kondisyon.

Ayon kay Charlito, round robbin sa tatlong boksingero sa magkakalapit na timbang ang ginawang sparring. Nakasuot naman ang lahat ng headgear at mouthpiece.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng mga sparring partner ni Axiel pero tumangging magbigay ng panayam.

Dagdag pasakit din sa pamilya nang mabiktima pa sila nang manlolo at makuha ang natanggap nilang donasyon para sana sa pagpapagamot noon ng anak.

"Sabi niya [nagpadala ng mensahe], 'Banggitin mo na lang muna 'yung six digit number diyan sa last na message na dumating.' 'Yun pala 'yung OTP... Sunod-sunod na 'yung withdraw na P5,000, P5,000, hanggang sa umabot ng P16,000. Wala na. 'Yung laman P16,807. Ubos-ubos talaga, simot," sabi ni Charlito. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News