Isang Pinoy TikTok content creator na galing Madrid, Spain, ang nabiktima ng "bukas-maleta" modus, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.

Tinatayang nasa P200,000 na halaga ng luxury items ang nawala sa biktimang si Ady Cotoco, kabilang na rito ang mamahaling sapatos, bag, pabango, at mga damit.

Ayon kay Ady, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 lulan ng eroplano ng Etihad Airways, pawang mga pasalubong sa pamilya ang nawala sa kaniya.

Palaisipan daw kung sa Pilipinas nangyari ang pagnanakaw. Nang makuha raw niya kasi ang kaniyang mga maleta ay nakita niyang sira na ang lock at magaan na ang isa sa mga ito.

"I was really traumatized kasi for the first time in 23 years that I have been travelling first time siya nangyari sa akin. What if this happens to our fellow Filipinos na talagang pinaghirapan nila 'yung perang 'yun, binili nila for their loved ones and bigla na lang ninakaw ng ibang tao," pahayag ni Ady.

Hindi tiyak ni Ady kung saan at paano nangyari ang pagnanakaw. Bukod kasi sa NAIA 3, posible rin daw na nanakawan siya sa Madrid pa lang o sa kaniyang layover sa Abu Dhabi.

Nai-report na raw niya ang insidente sa pamunuan ng NAIA at Etihad Airways.

Ayon sa Etihad, iniimbestigahan na nito ang insidente.

"We are aware of this case and the team is looking into it and investigating the matter," sabi nito sa isang pahayag sa GMA News.

Humingi naman ng paumanhin ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa insidente ngunit sinabi nitong hindi sa NAIA nawala ang bagahe ng biktima.

"An all-night investigation conducted by MIAA and Etihad through a review of various CCTV footage revealed that the luggage tampering could not have happened at NAIA Terminal 3 but at foreign airports where passengers made stop-overs en route to Manila," sabi ng MIAA.

"We expect Etihad Airways to extend immediate assistance to the passenger while the investigation continues," dagdag nito.  —KBK/RSJ, GMA News