Naibenta sa halagang $10.1 milyon ang jersey o basketball uniform na isinuot ng basketball legend na si Michael Jordan sa Game 1 ng 1998 NBA Finals, na kaniyang naging huling panalo.

Ang iconic red Chicago Bulls jersey, na may numerong 23 sa likod ang pinakamahal na isinuot sa laro ng isang manlalaro na naibenta sa auction, ayon sa Sotheby sa ulat ng Agence France-Presse.

Ang halaga ay doble sa inasahan na magiging presyo nito sa subasta at nagkaroon ng kabuuang 20 alok.

Tinalo ng jersey ni Jordan sa pamahalan ng sports memorabilia ang naitalang record noong Mayo ng "Hand of God" jersey ni Diego Maradona.

Ayon sa Sotheby, ang dating may hawak ng record para sa pinakamahal na game-worn basketball jersey na umabot ang halaga sa $3.7 milyon ay ang uniporme ni Kobe Bryant na may pirma, at ginamit noong 1996-97.

Ang naturang Last Dance jersey ang pinakamahal na Michael Jordan sports memorabilia na naibenta. Kasunod nito ang autographed relic card mula 1997-98 na naibenta sa halagang $2.7 milyon.

Ayon sa Sotheby, karamihan ng NBA Finals jersey ni Jordan ay nasa pribadong kamay. Ang isa ay ibinigay niya sa Smithsonian National Museum of African American History and Culture.

Ang final season ni Jordan sa tropang Bulls ay ipinalabas sa ESPN/Netflix documentary na "The Last Dance" noong 2020.-- AFP/FRJ, GMA News