Nadakip ng mga awtoridad ang apat na katao dahil sa ilegal na pagbebenta umano ng mga hayop sa Quezon City at Maynila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Miyerkules, makikita sa video ang isang 20-anyos na lalaki na nagbebenta ng Philippine serpent eagle na nakipagkasundo sa parking lot ng isang shopping mall sa Quezon City.
Hindi alam ng binata na asset ng pulisya ang kaniyang katransaksiyon.
Hinuli ang lalaki, na isang college student, pag-abot ng bayad.
Hindi na pinangalanan ng pulisya ang suspek, na hindi na nagbigay ng pahayag sa GMA News.
"Sabi ng ating suspek is napulot niya lang daw po ang serpent eagle. He tried to sell us the serpent eagle amounting to P30,000. Ang nangyari gumamit siya ng tatlong account sa social media. Hindi niya alam 'yung operatiba na natin 'yung kausap niya," pahayag ni Police Major Robert Alvin Gutierrez, Chief, Northern NCR PNP-Maritime Group.
Inihabilin naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Philippine serpent eagle na kumakaunti na ang bilang, ayon sa International Conservation of Nature.
Arestado rin sa Quiapo, Maynila ang tatlong katao matapos salakayin ng pulisya ang tatlong puwesto na nagbebenta ng pinatuyong seahorse.
Itinuturing na "threatened" o nanganganib na maubos ang species ng seahorse sa Pilipinas.
Nasa P300 ang bentahan nito, ayon sa pulisya.
Ayon kay Gutierrez, pinaniniwalaan ng ilan na gamot ng mga Chinese para sa asthma at impotence ang pinatuyong seahorse.
Tumangging magbigay ng pahayag ang tatlong suspek, na nahaharap sa kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act. —GMA News
