Natunton ng mga pulis-Quezon City ang mga holdaper na nagholdap sa isang babae, sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) ng cellphone ng biktima.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na naagawan ang biktima ng cellphone, laptop, alahas, at malaking halaga ng pera ng mga holdaper nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa ulat, agad na natunton ng mga pulis ang mga suspek sa pamamagitan ng GPS ng cellphone ng biktima.
Ayon sa biktimang 32-anyos na babaeng accountant, trauma at takot ang kayang naramdaman ng maholdap siya sa EDSA habang papauwi galing sa trabaho kagabi.
Aniya, nakuha sa kaniya ang kanyang cellphone, laptop, ilang alahas, at cash na P10,000.
Dumulog agad sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10 ang biktima.
Natunton kaagad ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek sa tulong ng GPS.
Naaresto ang apat na suspek -- tatlong lalaki at isang babae -- sa Barangay Bagong Pag-asa, at nabawi sa kanila ang lahat na ninakaw mula sa biktima.
Nakuhanan din ang mga suspek ng isang sumpak, ayon sa mga pulis.
Nagkaharap muli sa police station ang mga suspek at kanilang biktima.
Umamin ang dalawa sa apat na suspek sa ginawang krimen. Sinabi naman ng dalawa pang suspek na nadamay lamang umano sila.
Mahaharap ang apat na suspek sa reklamong robbery. —LBG, GMA News
