Arestado ang isang babaeng 30-anyos sa Novaliches, Quezon City nitong Linggo ng gabi sa buy-bust operation ng pulisya.
Naganap ang insidente sa Barangay San Bartolome, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Hindi na nakapalag ang suspek nang arestohin siya ng mga awtoridad.
Itinuro siya bilang source umano ng ilegal na droga ng mga naunang nahuli.
Nakuha sa suspek ang 20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P136,000.
Ayon kay Novaliches Police Station commander Police Lieutenant Colonel Von June Nuyda, ito na ang ikalawang beses na mahuli ang suspek.
Noong 2019 daw ay nadakip na siya sa pagtutulak ng ilegal na droga.
Ayon kay Nuyda, sinabi raw ng suspek na bumalik siya sa pagtutulak ng ilegal na droga dahil wala na siyang pangtustos.
Nagbabagsak daw ng ilegal na droga ang suspek sa Quezon City at Caloocan, at hindi mga street-level users ang kanyang mga kliyente, ani Nuyda.
Hindi naman nagbigay ng komento ang suspek.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya ng Quezon City Police District Station 4. —KG, GMA News
