Itinuturing na malaking ‘breakthrough’ ang pagkakadiskubre ng umano'y gamot na kayang magpabagal sa epekto ng Alzheimer's disease sa tao.

Sa video ng "Next Now" ng GMA News, sinasabing nasa 55 milyong tao sa buong mundo ang apektado ng Alzheimer’s disease.

Ang Alzheimer’s disease ay isang sakit sa utak na nagdudulot ng dementia, o pagkawala ng memorya at kakayahang maging functional.

Wala pang nadidiskubreng lunas sa Alzheimer’s. Pero ang mga kompanyang Eisai Co Ltd at Biogen, may nadiskubre umanong gamot para pabagalin ang paglala ng sakit ng pasyente.

Batay sa mga pag-aaral, kaya ng gamot na Lecanemab na tanggalin sa utak ng pasyente ang deposits ng amyloid beta na siyang nagiging dahilan para magkumpulan ang ibang protein sa utak.

Ito ang nagiging dahilan ng pagkawala ng nerve cells at nagdudulot ng memory loss.

“The amyloid plaques begin building up 15 to 20 years before the memory loss, and then later the tangles start occurring, and then the nerve cells get smaller,” ani Dr. Stephen Salloway ng Brown University.

“So, it makes sense to try to intervene early and reduce the plaques. If there’s enough amyloid removal, then there can be clinical benefits,” dagdag pa niya.

Nag-apply na ang Eisai ng FDA approval sa Amerika. Sakaling maaprubhan, sisimulan na itong ibenta sa USA, Europe at Japan sa susunod na taon. --FRJ, GMA News