Bukod sa tilapia at bangus, mainam ding gawing negosyo sa palaisdaan ang mga hito dahil mura na ang puhunan, mabenta at masarap din itong gawing putahe. Paano nga ba ang proseso ng pagpaparami ng hito?

Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Vonne Aquino, inilahad ni Arden Rodriguez ng Pandi, Bulacan, na natutunan niya ang pag-aalaga ng hito mula sa kaniyang ama.

Sa halagang P7,000, nakabili si Rodriguez ng 20,000 semilya o fingerlings, o hito na isa hanggang dalawang pulgada pa lang ang laki.

Matapos ang 12 araw, palalakihin na ang mga semilya sa palaisdaan sa pamamagitan ng pagpapakain ng feeds o chicken waste gaya ng mga bituka o patapong karne sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.

Ayon kay Rodriguez, kumita siya ng hindi bababa sa P30,000 sa loob ng apat na buwan dahil sa 1,500 kilo ng hito. Nasa P75 hanggang P90 ang bentahan ng hito, depende sa laki.

Nagbi-breed at nagbebenta na rin si Rodriguez ngayon ng semilya ng native na hito.

Tatlong klase ng mga hito ang mabibili sa palengke: ang native na mas maliit at mapusyaw na abuhin ang kulay; ang Thai na hito na medium ang size at kulay brown; at ang African hito na mas malaki at halos kulay itim.  — Jamil Santos/VBL, GMA News