Nagbigay ng tig-P2 milyon o kabuuang P10 milyon si San Miguel Corporation (SMC) president and CEO Ramon Ang, sa mga pamilya ng limang miyembro ng rescue team na nasawi habang nasa misyon sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Karding sa Bulacan noong nakaraang buwan.

Ayon sa SMC, bukod sa ibinigay na tig-P2 milyon sa mga pamilya ng mga nasawing sina Troy Agustin, George Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag Jr., nag-alok din si Ang sa pamilya ng business start-up packages.

Nasawi ang mga rescuer sa flash flood sa Barangay Camias sa San Miguel, Bulacan. Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, tinamaan ng bumagsak na pader ang mga biktima.

“I join fellow Filipinos in thanking our brave rescuers for their heroism. My hope is that their families will get to see how much we all appreciate them,” sabi ni Ang sa isang pahayag.

“They inspire us to do selfless deeds in our everyday lives. Their ultimate sacrifice in the line of duty will not be forgotten,” dagdag niya.— FRJ, GMA News